Ang isla ng Palawan ay kilalang destinasyon sa Pilipinas dahil sa magagandang tanawin nito. Mula sa maputi at pinong dalampasigan; malinaw na tubig dagat; masukal na gubat at malinis na kapaligiran. Mula sa mga lugar na lingid sa kaalaman ng karamihan, tulad ng Nagtabon Beach. Hanggang sa mga bantog na destinasyon, tulad ng Underground River.
Ito ay ilang beses nang itinanghal bilang “Best Island in the World”. Ang ilan sa sikat at madalas na dinadayo ng mga turista sa lalawigan ay ang El Nido, Coron, San Vicente, Tubbataha, Taytay at ang sentro nito na Puerto Princesa.
Mga Kaalaman Ukol Sa Puerto Princesa
Ang Puerto Princesa ay may kabuuang laki na halos 254 ektarya. Ito ang pinakamalaking lungsod sa bansa. Nasa 90% ng kabuuang lugar nito ay nababalot ng mga kagubatan at kakahuyan. Kaya naman ito ay binansagan na “City in a Forest”.
Ilan sa mga tanyag na destinasyon sa lungsod ay ang Crocodile Farm, Baker’s Hills, at Honda Bay. Ngunit mas nakilala ang Puerto Princesa nang buksan sa publiko ang Puerto Princesa Subterranean Underground River Park noong taong 2012.
Saan Matatagpuan ang Puerto Princesa Subterranean Underground River Park
Ang Puerto Princesa Subterranean Underground River Park ay matatagpuan sa Sabang, Puerto Princesa, Palawan. May layo ito na na 70-80 kilometro mula sa bayan.
Kabilang ito sa New 7 Wonders of Nature na iginawad noong 2012. Tinanghal din ito bilang isa sa UNESCO World Heritage Sites noon pang 1999.
Parte ng napakalawak na lugar na ito ang kilala nating Puerto Princesa Underground River. Ang buong parke ay may lawak na 22 ektarya. Samantalang nasa 8.2 kilometro naman ang haba ng mismong Underground River.
Flora at Fauna
Matatagpuan sa parke ang 8 sa 13 ng klase ng gubat sa buong Asya. Kabilang dito ang forests over ultramafic soils; forest over limestone soils; montane forest; freshwater swamp forest; lowland evergreen tropical rainforest; riverine forest; beach forest; mangrove forest.
Makikita rin sa parke ang isa sa pinakamatandang puno sa lalawigan – ang puno ng Dao. Tinatayang nasa 18-20 katao ang kailangan pumalibot sa laki ng katawan ng punongkahoy na ito. Sinasabi rin na nasa 100 taon ang tanda nito.
Tahanan din ang lugar ng 1,350 uri ng mababangis na hayop na karamihan ay sa Palawan lamang matatagpuan. Halimbawa ay ang armadillo, mouse deer, squirrel, otter at bear cat. Sa katanuyan, may ilan dito ay malayang nakakagala sa bukana ng Underground River.
Naninirahan din sa parke ang iba’t ibang klase ng ibon. Sa 252 na uri ng ibon sa buong lalawigan, sinasabi na nasa 165 ang namumuhay sa kagabutan ng parke kasama na rito ang 15 na tinukoy bilang endangered species o nanganganib na uri ng mga ibon. Ang ilan sa mga ibon na matatagpuan dito ay ang Palawan hornbill, talking myna at Palawan peacock. Tulad ng ibang mababangis na hayop, mas magiging makubuluhan ang pagpunta sa lugar kung mapalad na makakakita ng kahit isang uri ng ibon na lumilipad lipad sa paligid nito.
Haba ng Puerto Princesa Subterranean Underground River
Sa lawak at haba ng parke, hindi pa ito lubusang nagagalugad ng mga eksperto. Sa katunayan, 4.5 kilometro pa lamang ang pinakamalayong narating sa Underground River dahil mapanganib at hindi maaring magtagal sa loob nito dahil sa limitadong suplay ng oxygen. Taong 2010 nang madiskubre na mayroong pangalawang palapag ang naturang kweba. Pinaniniwalaan din na maaring may mga talon sa loob ng kweba dahil sa pagkakaroon nito ng isa pang palapag.
Samantala, tinatayang nasa 1.5 kilometro lamang ng Underground River ang bukas para sa publiko. Hanggang sa punto lamang na iyon ang tinukoy ng mga eksperto na may sapat na oxygen at ligtas puntahan ng mga tao.
Mga Nakakamanghang Likha na Makikita sa Puerto Princesa Underground River
Ang Underground River ay umaagos sa ilalim ng nakamamanghang pormasyon ng mga bato. At ito ay direktang dumadaloy patungong dagat. Ang nasabing yungib ay pinaniniwalaan na nahubog ng kalikasan. Isa sa pangkaraniwang makikita sa loob ng kweba ay ang tinatawag na stalactites at stalagmites.
Ang stalactites ay mga namuong mineral sa itaas ng kisame ng kweba. Samantalang ang stalagmite ay mga namuong mineral sa sahig galing sa mga tumulong tubig galing sa kisame.
Ang stalactites ay kadalasan pahaba ang hugis. Ang stalagmites naman ay pabilog o patag ang hugis. Kasama sa mga makikitang stalactites at stalagmites sa loob ay ang iba’t ibang hugis at porma na talaga naman nakakabighani. Ilan dito ang naked lady, Mama Mary, Pegasus at marami pang iba.
Ang pangagalaga at pagpapanatili ng kaayusan at estado ng naturang lugar ay hawak ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Puerto Princesa. Ang Puerto Princesa na itinuturing na “highly urbanized city”. Kaya ang pamumuno nito ay hiwalay sa pamamamalakad ng lalawigan ng Palawan. Bilang tugon ng lokal na pamunuan, nililimita sa 1200 na katao kada araw lamang ang pinapayagan na masilayan ang Underground River.
Idineklara rin ang pagsasara ng Underground River sa loob ng 3 araw tuwing Hulyo 1-3 taon taon.
Ang tradisyon na ito ay sinimulan noong taong 2016. Pinangunahan ito ng mga tagapagtaguyod ng kapaligiran upang bigyan sila ng pagkakataon na linisin at inspeksyunin ang lugar. Para rin ito sa mga hayop na naninirahan dito nang pansamantalang hindi sila mabulabog. Ang tatlong araw na pagtigil ng operasyon ay para rin magbigay daan upang makapahinga ang buong parke at pati na rin ang mga taga pangasiwa nito.
Paano pumunta sa Palawan?
May mga sakayang himpapawid ang lumilipad sa lungsod ng Puerto Princesa araw araw. Ang mga ito ay nagbuhat mula sa Maynila, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Iloilo at Clark.
May iilan ding sakayang pangdagat ang dumadaan sa Puerto Princesa mula sa Maynila. Ang byahe sa dagat ay tumatagal ng 48 oras.
Mula paliparan ng Puerto Princesa, paano pumunta ng Puerto Princesa Subterranean Underground River Park?
Ang layo ng parke mula sa sentro ng Puerto Princesa ay nasa 80 kilometro. Inaabot ang biyahe papunta sa parke ng humigit kumulang na dalawang oras. Maliban pa ito sa mismong pagtahak ng Underground River.
Maraming paraan upang makapunta dito. Paglabas mula sa paliparan ng Puerto Princesa, may mga makikita na mga rehistradong pampublikong sasakyan patungo sa iba’t ibang lugar ng lalawigan. Piliin ang byaheng patungong pantalan ng Sabang.
Karaniwang pinupuno muna ang sasakyan bago umalis ito. Kung nagmamadali at may sapat na badyet, maaaring mag arkila ng sasakyan na eklusibo sa iyo o sa iyong grupo. Mahigit kumulang na 2 oras ang byahe mula sa paliparan ng Puerto Princesa patungong Sabang.
Kung hindi gaanong sanay sa mahabang biyahe, minumungkahi namin na magdala ng maliit na unan na maaaring makatulong upang maging komportable kayo sa buong paglalakbay. Maari niyo itong mabili sa Shopee o Decathlon. Sundan ang “Bili Na” para sa mga naturang websites.
Kung sa ibang araw naman nais puntahan ang parke (hindi sa araw ng pagdating sa lungsod), pumunta lamang sa himpilan ng mga sasakyan sa palengke ng San Jose.
Mula sa pantalan ng Sabang
Mula sa pantalan ng Sabang, makikita ang opisina ng Puerto Princesa Underground River. Dito ka magbabayad para sa singil sa pagpasok. Dito rin ang binabayaran ang pangkalikasan at bangkang sasakyan patungo sa Underground River. Karaniwang mahaba ang pila dito. Kaya hindi tiyak kung ilang oras ang paghihintay.
Ang mga bangka ay kayang magsakay ng hanggang 8 na katao. Hindi kasama sa bilang ang mga kuya na magpapatakbo ng bangka. Ang byahe sa dagat ay tumatagal hanggang 30 na minuto kada papunta at pabalik ng pantalan.
Para sa mga mahilig sa pakikipagsasapalaran, mayroon pang isang paraan upang makarating sa bukana ng Underground River bukod sa pagsakay ng bangka mula sa pantalan.
Ang isang daan ay ang pamumundok sa kagubatan ng parke papuntang Underground River. Ito ay inaabot ng humigit kumulang na tig isa’t kalahating oras papunta at pagbalik sa pantalan.
Maaaring mamili anong daan ang nais tahakin patungo at pabalik ng pantalan. Magsabi lamang sa opisina ng Underground River upang makwenta ang angkop na babayaran.
Pagdating sa bukana ng Underground River
Pagdating sa bukana ng Underground River, may lakarin na hindi aabot sa 3 minuto bago masilayan ang kweba. Maari rin muna maglibot sa paligid bago o pagkatapos masilayan ang Underground River para sa iba’t ibang hayop na pinapangalagaan sa lugar.
Ang mismong paglalakbay sa Underground River ay inaabot ng 30 minuto. Mayroong kasamang gabay ang bawat bangka. Sila ay maalam sa iba’t ibang nakakamanghang likha na makikita sa loob ng kweba. Sila rin ay mga sumailalim sa matinding pagsasanay upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista habang binabaybay ang kahabaan ng ilog. Ang mga gabay ay siyang nagbibigay kahulugan sa karanasan sa loob ng Underground River.
Kadalasan nakakabalik sa pantalan ng Sabang bandang alas dose ng tanghali – oras ng pananghalian. May mga kainan sa paligid ng pantalan na ang pangkaraniwang benta ay mga pagkaing Pinoy.
Ang pangkaraniwan na iskedyul para sa pagpasyal sa Underground River ay nagsisimula nang maaga. Ito ay upang makasiguro na makakabilang sa 1200 katao kada araw na pinapayagan na makapunta sa lugar.
Ang pagpasyal sa Underground River mula sa pinagmulan (paliparan o bahay tuluyan) hanggang sa paroroonan sa sa Puerto Princesa ay tumatagal ng halos 7 oras.
Mabuting alamin ang iskedyul ng mga sakayan at opisina ng Puerto Princesa Underground River. Ito ay upang masiguro ang inyong lakad.
Mga iba pang maaaring gawin sa Sabang
Marapat din banggitin ang mga iba pang pwedeng gawin sa Sabang maliban sa pagdalaw sa Puerto Princesa Underground River. Ang ilan dito ay ang Sabang Zipline, Ugong Rock Zipline, Mangrove at Hundred Caves. Sa mga hindi eklusibo ang sasakyan, nakadepende sa mga pasahero ang pagpunta sa mga ito.
Kung ayaw maabala at walang oras upang gawin ang itineraryo, maaari rin namang magbayad sa mga rehistradong ahensya ng paglalakbay. Maaari nilang ayusin at asikasuhin ang iyong itineraryo mula sa sa pagsundo sa iyong pinagmulan hanggang sa paghatid sa inyong destinasyon.
Kami po ay kasosyo ng Trip.com. Kung nais makakuha ng diskwento, sundan lamang ang ugnay na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, maaari niyong bisitahin ang aming blog. Ang Ala Amid Bed and Breakfast ay isang bahay tuluyan sa Puerto Princesa. Kung nais niyo manuluyan sa aming lugar, maaari kayong magpalista o magpareserba sa pamamagitan ng pagsunod sa ugnay na ito o maaari rin kayong magpadala ng inyong katanungan sa aming pahina sa Facebook.
Ang ganda talga ng underground river